Isang pagpupugay sa pagiging tao ng mga guro.
Ooops...teacher ako. Sa kamay ko nakasalalay ang bayang Pilipinas. Bawat bata ay aking hinuhubog gaya ng paglilok ng Maylikha mula sa alabok na ang ngala'y... TAO... na kailangang turuang makisalamuha, makiisa, mamuhay at magmahal. Ito ay isang napakabigat na pasanin...pasanin ng isang guro.
Pagtuturo sa umaga...tambak pa ang labada! Lesson plan sa gabi...aalagaan pa si baby! Pagtsek-tsek ng test papers...kakarampot ang suweldo! Hay naku...gutom ito!
Meron akong isang kwento...si Mila...nag-abroad sa Hongkong. Ang trabaho niya? Ano pa kundi D.H...mutsatsa...atsay...Katulong! Tiga-alaga ng baby...di naman niya baby! Tiga-luto...di naman siya kasalo! Minamaltrato ng amo...di pa sapat ang sweldo! Trabaho sa umaga... trabaho sa gabi! Umuwi sa Pilipinas... si Mila nasa kabaong, umuwing naka-kahon!
Heto pa ang isang kwento...si Castor. Hinuli, isang malagim na araw... eleksiyon... dagdag-bawas... sa konting halaga. 'Yan ang kanyang napala... kulong!
Pero itong isang guro ang kakaiba...si Aling Digna. Bakit kakaiba? Sa tatlumpu't apat na taong paninilbihan, ni minsan di siya nakaringgan ng kahit anong reklamo. Mahal na mahal siya ng kanyang mga estudyante. Nang siya ay pumanaw, dala-dala niya ang karangalan ng taguring... GURO.
Si Mang Domeng naman ay marangal. Ngunit di naging maganda ang katumbas ng karangalan. Nang sumiklab ang labanang militar kontra makakaliwa,inililigtas niya ang mga bata. Tinamaan ng ligaw na bala. Sa kasamaang palad, nalumpo siya. Subalit di ito naging hadlang upang ipagpatuloy ang kanyang bokasyon. 'Yan ang GURO!
Sa lahat ng bagay, may tama at mali... may puti at itim... may tunay na serbisyo at katiwalian. Likas na ito sa mga dikotomiya ng mundo. Ngunit tayong mga guro ang naghuhubog sa ating mga mamamayan. Tayo ang huwaran ng mga kabataan. Sa atin mag-uugat ang kanilang kaalaman. Tayo ang isang magiging haligi ng kanilang pagkatao. Magiging bahagi tayo ng kanilang kinabukasan. Ikakarangal natin ito, taas noo sapagkat tayo ay mga GURO.
at sa lahat ng mga teacher blogger friends ko...... Ipagbunyi natin na tayo ay isang GURO...
chelle, thanks for sharing this story
No comments:
Post a Comment